Sen. Bong Revilla Jr., ibinunyag fixers ng OFW Pass
Ibinunyag ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr., ang pambibiktima ng fixers sa mga Filipino na nais makapagtrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Revilla may mga naniningil ng “processing fee” para sa Overseas Employment Certificate (OEC), na aniya ay libre naman.
Sa deliberasyon sa plenaryo ng Senado sa 2024 budget ng Department of Migrant Workers (DMW) ginawa ni Revilla ang pagbubunyag.
“Can you give us a status report on your online application for OFW Pass? May mga nagsasamantala kasi dito sa programang ito ng DMW. In a Facebook public group named “OFW PASS / THE NEW OEC”, tila may mga nagpapabayad para maproseso ang OFW Pass ng mga kababayan natin. This should be made available for free, hindi ba?” pagpupunto ng senador.
Si Sen. Jinggoy Estrada, na sponsor ng budget ng DMW, ang tinanong ni Revilla sa mga hakbang na ginagawa ng kagawaran ukol sa isyu.
“Paano niyo nasusupil yung mga nagsasamantala at nagpapabayad sa serbisyong dapat ay libre lamang? Hindi ba dapat mayroon kayong information drive o campaign para maiawasan na nagbabayad sila para sa mga serbisyong dapat ay libre naman,” ang pag-uusisa ng senador.
Sa tugon ni Estrada, sinabi nito na ginawang libre ng yumaong DMW Sec. Toots Ople ang OEC sa mga kuwalipikado sa “Balik Manggagawa.”
Sabi pa nito, nakikipag-ugnayan na ang DMW sa National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division at sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para matuldukan ang aktibidad ng mga fixer ng OEC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.