Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Rafel Consing Jr. bilang presidente at chief executive officer ng Maharlika Investment Corporation.
Ayon sa pahayag ng Presidential Communications Office, kasalukuyang nagsisilbi bilang executive director ng Office of the Presidential Adviser for Investment and Economic Affairs (OPAIEA) si Consing.
Pinangangasiwaan ni Consing ang pang-araw-araw na operasyon ng OPAIEA at tinitiyak na naibibigay sa tamang oras ang mga investment projects.
Isang multi-awarded C-level executive si Consing na may malalim na karanasan sa corporate governance, mergers and acquisitions, corporate finance, global capital markets, stakeholder relations, at business strategy development.
Nagsilbi rin si Consing sa pribadong sektor bilang Senior Vice President & Chief Financial Officer ng International Container Terminal Services, Inc., kung saan nakatanggap ng ibat ibang parangal.
Naging Managing Director ng HSBC Hong Kong at HSBC Singapore si Consing at naging Vice President at Treasurer ng Aboitiz & Co., Inc. at Aboitiz Equity Ventures, Inc.
Pangunahing tungkulin ni Consing ngayon ang pagtatatag ng malawak at ibat ibang portfolio ng pamumuhunan sa local at international financial markets.
Pangangasiwaan din ni Consing ang kontribusyon ng financial institutions sa Maharlika Investment Fund.