Hiniling ni Senator Risa Hontiveros sa Malakanyang na agad nang ipagbawal ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) upang ma-protektahan ang pambansang seguridad.
Sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Women and Children ukol sa pagkalat ng scam hubs sa bansa, nagpahayag din ng pagkabahala si Hontiveros sa mga tunay na government identification (ID) cards — TIN ID, PhilHealth ID, Alien Certificate of Registration, Alien Employment Permit, and Police Clearance ID na nakuha ng Chinese nationals na naaresto sa sinalakay na Smart Web Technology sa Pasay City.
“Buti pa pala ang mga Chinese, kahit hindi na pumila, nabibigyan ng ID. Ang ko pagkuha ng ID na ito ang nagiging daan daw nila para maging legal na residente sa Pilipinas at magkaroon ng Philippine passport. Ang mas masakit na tanong: May mga kasabwat ba sila sa loob ng mga ahensya ng gubyerno? Considering our current dispute in the West Philippine Sea, it is alarming that we are giving an all-access pass to our country to Chinese citizens through these POGO hubs,” anang senadora.
“Dapat i-ban na ni Presidente ang mga POGO. Kung totoong gusto niyang depensahan ang bansa natin laban sa mga nambabastos sa ating soberanya, isama niya na ang buong industriya ng online gambling sa mga pinapalayas sa ating teritoryo,” sabi pa nito.
Bukod pa dito aniya ang pagpasok sa bansa ng mga puganteng banyaga at nakapag-trabaho sa mga kompaniya ng POGO.
“ These IDs legitimize their status here in the Philippines. Ang isang matinding problema dito ay baka ang binibigyan natin ng identity ay mga fugitives sa ibang bansa,” sambit pa ni Hontiveros.