Cayetano: K-12 itigil, ibalik at palakasin ang dating curriculum
By: Jan Escosio
- 12 months ago
Naniniwala si Senator Alan Peter Cayetano na mas makakabuti na ibasura na lamang ang K-12 program at ibalik ang mas malakas na dating curriculum.
Aniya sa ngayon sa kanyang palagay ay bigo ang layon ng K-12 programa na mapagbuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
“Do we want to have the form na K-12 tayo pero ganyan kababa ang quality [of education], or do we take the criticism na hindi tayo K-12 pero mataas naman ang quality? If you ask me, I’d rather not have K-12 pero higher quality,” wika ni Cayetano sa plenary debate ng panukalang 2024 budget ng Department of Education (DepEd).
Giit ng senador hindi naman napatunayang mas mainam ang K-12.
Paliwanag naman niya ukol sa “learning poverty” nararanasan sa bansa, ito ay dahil nabawasan na ang oras ng klase sa mga paaralan dahil sa K-12 program.
Binanggit pa niya ang pinakahuling ulat ng World Bank tungkol sa kalidad ng edukasyon sa East Asia at Pacific region, na nagsabing siyam sa bawat 10 batang Pilipino ay hindi nakakabasa at nakakaintindi ng simple, at age-appropriate na babasahin sa edad na 10.
Sa bahagi ng DepEd, sinabi nito na mahigit 2,800 sa 47,000 paaralan sa buong bansa ang may double, triple, o quadruple na shifting schedule.
Ibig sabihin, hindi hihigit sa anim na oras lang ang inilalagi ng mga bata sa paaralan, kumpara sa walong oras sa ilalim ng lumang curriculum.
“For me, one thing that will return us to the right path is having enough time for the learners to actually learn,” ani Cayetano.