Tama ang diskarte kaya bumuti ang ekonomiya – Revilla

Nangangahulugan na nasa tama ang tinatahak na direksyon ng gobyerno kayat bumuti ang ekonomiya ng bansa, sabi ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. Reaksyon na ito ni Revilla sa naitalang 3rd quarter gross domestic product growth. Kasabay nito ang pagpuri ng senador sa economic team ni Pangulong Marcos Jr. Unang iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na sa ikatlong bahagi ng taon, umangat sa 5.9 porsiyento ang ekonomiya ng bansa mula sa 4.3 porsiyento noong ikalawang bahagi ng taon. Ayon sa nagsisilbing chairman ng Lakas-CMD party, kahit kapos pa ang naitalang paglago sa 7.2 porsiyentong target, tiwala siya na lalo pang bubuti ang lagay ng ekonomiya ng Pilipinas hanggang sa pagsasara ng taon. Sinabi lamang din ni Revilla na ang malaking hamon sa ngayon ay kung paano mararamdaman ng ordinaryong mamamayan ang pagbuti ng ekonomiya dahil na rin sa mataas na halaga ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Read more...