Itinutulak ng Philippine Rice Research Institute ang panukalang batas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong senador pa siya na Anti Rice Wastage Bill o pagkain ng half cup rice lamang.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Doctor Karen Eloisa Barroga, Deputy Executive Director for Development ng PhilRice na nasa 2.5 milyong Filipino ang napagkakaitan na makakain ng kanin kada taon dahil nasasayang lamang.
Nangangahulugan ito ng halos 385,000 metrikong tonelada ng bigas na nagkakalahaga ng P7.2 bilyon.
Ito rin ang dahilan kung kaya ikinakampanya ng PhilRice ang programang “Be Riceponsable” na ang ibig sabihin ay maging responsable at kumuha lamang ng kanin na kayang kainin para hindi masayang.
“Ano po bang napapansin natin ‘pag may fiesta ‘no? Marami kasi… iyong sabi ng natin ‘takaw-mata’. So we are… actually the campaign says, get only what you need and what we have done in the past was to encourage a half cup serving as default ‘no,” pahayag ni Barroga.
Ayon kay Barroga, kinausap na ng kanilang hanay si Senador Loren Legarda para isponsoran ang naturang panukala sa Senado.
Sinabi naman ni Doctor Hazel Antonio, Division Head ng Development Communication ng PhilRice, na nais nilang isama sa panukalang batas na bigyan ng sanction o pagbayarin ang mga hindi makauubos ng kanin para maiwasan ang pagkasayang nito.
“So iyon din po talaga iyong stand namin na kunin lang talaga iyong gusto nila, and sana iyong mga unli rice, ganoon, mag-sanction talaga sila kapag hindi naubos. Kasi iyon naman din iyong sinasabi nila, kapag hindi mo naubos iyong kinuha mo, may fine. So sana maging strict lang sila para iyong mga tao rin ay mas conscious na sila,” pahayag ni Antonio.
“Yes. I think we—sana ma-push nga po iyong senate bill kasi magkakaroon tayo ng commitment to lessen food wastage. International iyong commitment, so I think we really have to work on it,” dagdag ni Antonio.
Sa ngayon, umiiral na half cup rice policy sa 46 na local government units.
Kabilang na sa Quezon City, Manila, Puerto Princesa, Davao, Cebu Baguio at iba pang malalaking siyudad sa bansa.
Ipinagdiriwang ng PhilRice ang National Rice Month Awareness kada buwan ng Nobyembre alinsunod na rin sa Presidential Proclamation No. 524.
Isinusulong din ng PhilRice ang pagtangkilik sa Philippine rice na tanim ng mga magsasakang Filipino.
Mas masarap, mas masustansya at mas mura raw ito kumpara sa mga imported na bigas.
Nakikipag-ugnayan din ang PhilRice sa Department of Education para turuan ang mga bata na huwag magsayang ng kanin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.