4,788 pabahay sa Yolanda victims, ipinamahagi

 

 

Nasa 4,788 na pamilyang biktima ng Bagyong Yolanda ang ginawaran ng pabahay sa Tacloban City.

Mismong sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at National Housing Authority General Manager Joeben Tai ang namahagi ng titulo.

Nabatid na ang mga pabahay na ipinagkaloob sa mga benepisyaryong pamilya ay mula sa Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) ng NHA. Kabilang dito ang Greendale Residences, Guadalupe Heights, New Hope Village, North Hill Arbours, St. Francis Village, Villa Diana, at Villa Sofia.

“Ang ating Housing Secretary, nandito rin si Joeben Tai ng NHA, lahat sila ay tumutulong para pagandahin [ang pabahay dito sa Tacloban]. We went back and we made sure that the facilities that were being created are suitable for the families that lost their homes. That is why the recovery, the rehabilitation, the rebuilding still continues,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Sa ilalim ng YPHP, layunin ng NHA na mabigyan ng permanenteng pabahay ang 205,742 pamilyang nakaligtas mula sa hagupit ng Bagyong Yolanda sa mga lalawigan ng Aklan, Antique, Biliran, Camarines Sur, Capiz, Cebu, Dinagat Islands, Eastern Samar, Iloilo, Leyte, Masbate, Negros Occidental, Palawan, Samar, Southern Leyte, at Lungsod ng Tacloban.

Base sa Setyembre 30, 2023 na datos ng NHA, nasa 172,436 na pabahay na ang natatapos sa 336 proyekto nito sa mga nabanggit na lugar, kung saan ito’y kumakatawan sa 84% ng kabuuang target ng ahensya. Sa mga natapos na proyekto, 227 o 68% ang naibahagi na sa mga lokal na pamahalaan, habang 26,682 na yunit naman ang patuloy na ginagawa.

Noong nakaraang buwan, personal na ininspeksyon ni GM Tai ang mga YPHP housing project sa Tacloban upang tiyakin ang kalidad nito bago ipamahagi sa mga benepisyaryo.

Mahigit 6,000 katao ang nasawi sa hagupit ng Bagyong Yolanda.

Read more...