“Basically, nag-divest na ‘ko. I have no more interest in all the companies that I used to own… As I said, wala na akong oras doon eh. I really have no time for that. I just need to work and fix things and move forward.” Ito ang pinagdiinang mga salita ng bagong Agriculture Secretary Fransisco (Kiko) Tiu Laurel Jr., dating pangulo ng Frabelle Fishing Corporation sa mga tanong ng media sa isyu ng “conflict of interest” at ang suspindidong 420 ektaryang “reclamation project” nito sa Cavite na kasama sa 22 iba pang pinatigil ng Pangulong Marcos Jr.
Bukod pa dito, prominente rin ang Frabelle at isa pang kumpanyang Diamond Export Corporation sa demandahan nina Cavite Governor Jonvic Remulla at Cavitex CEO Leonides Virata laban kina Public Reclamation Authority (PRA) chair Alberto Agra at GM Juanilo Rubiato sa Ombudsman sa kasong Anti-graft sa “overlapping” sa dalawang reclamation project na ito ng Bacoor LGU at sa reclamation project naman ng Century Peak ni William King doon. Sinuspindi ng Ombudsman sina Agra at Rubiato ng isang taon dahil sa natuklasan nitong “grave misconduct” at pagpabor sa dalawang kumpanya.
Sa kanyang unang press conference, niliwanag ni Tiu Laurel na hindi siya nakikialam sa operasyon ng Frabelle. Ayon pa sa kanya, “DA is a full-time job. I have no time to do anything else. Ang laking departamento. Complicated ng unti, that marami — there’s 28 bureaus, departments, and GOCCs. Wala akong oras to think about other things.”
Pero paano naman, Mr. Secretary, ang isyu ng “conflict of interest” lalo na ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nangagalaga ng ating “fish produce”? Kasama na rito ang regulatory at licensing na siyang nag-iisyu ng importayon ng seafoods tulad ng galunggong. Hindi kaya mapaboran ang kanyang pamilya at mga dating kaibigan sa mga transaksyon diyan sa BFAR?
Of course, hindi siya titigilan ng mga kwestyon kung ang appointment niya ay bayad ng kanyang election contribution na P20 million pesos sa PBBM campaign noong 2022. Pero, alam naman ng lahat noon pa na isa siyang malapit na kaibigan ng Pangulo. Isang bilyonaryo, aminadong college dropout , pero napakagaling na negosyante na pinaunlad ang kanilang “trawling fishing business” at naging isang “global deep sea fishing company” sa Pacific Ocean , Papua new Guinea, Thailand, at Vietnam.
Sa totoo lang, ang appointment ni Laurel sa Department of Agriculture ay matuturing na “fresh start” lalot kung aalisin mo ang mga kontrobersyang kailangan niyang sagutin. Bukod sa katotohanang di niya kailangang mangurakot o magpayaman sa pwesto, mapapakinabangan din ang kanyang karanasan na mag-isip ng “large scale” sa kumpanya ng kanyang pamilya kung maipapatupad niya sa agrikultura.
Yung mga dati kasing mga naupong secretary riyan sa Department of Agriculture, huwag naman silang magagalit, ay technocrat, magsasaka, pero tingi-tingi, theoretical at small scale kung mag-isip. Baka mag-iba na rito kay Tiu Laurel Jr.
Kaya nga, malaking development sa akin ang itinayong “state of the art poultry production facility” ni Businessman Ramon Ang at San Miguel Corporation kamakailan sa Davao del Sur na ang target ay 80-M “high quality” at Z”healthy chicken” bawat taon. Ang malaking pabrika na ito ay P3.3 B at isa lamang sa 12 poultry facilities din sa bahagi ng Pilipinas. Hindi malayong number one exporter na tayo ng manok sa mga susunod na taon at bababa ang presyo dito sa palengke.
Isipin niyo kung ganito rin ang mangyari sa bigas , lalo na’t “large scale” mag-isip ang nakapwesto sa gobyerno. Sa halip na tig-tatlong ektarya ang produksyon , dapat ay buong lalawigan na parang malaking korporasyon. Sa Vietnam , super laki ang producers ng palay o bigas ay VINAFOOD 1 and 2, K Agriculture Factory, Angimex at Gentraco.
Ngayon kasi, kahit mismong Department of Agriculture, hindi alam o sinasadya yatang hindi alamin kung sinu-sino o ilan talaga ang mga magsasaka sa buong bansa . Pwede talagang gawin pero, mas gusto ng mga nakaraang gobyerno na wala silang “data” ng mga farmers. Dahil kapag bigayan ng biyaya , gagawa sila ng listahan at nanakawin ang pondo ng gobyerno. Ganyan tayo kalala.
Maganda ang nangyayari ngayon sa Nueva Ecij at at Isabela, dito nagkakaroon na ng tunay na imbentaryo ng mga rice farmers na idadaan sa mga LGU’s at ikokonekta sa Land Bank. Ibig sabihin nito, makakarating ang derektang biyaya tulad ng mababang pautang , libreng pataba o hybrid seeds atbp.
Sana makakita tayo ng malaking pagbabago sa agrikultura at umiral na ang “large scale” approach tulad ng ginagawa ni Ramon Ang, SMC at at iba pang malalaking negosyante rito. Bigtime food corporations na ang dapat na gagawin, malakihang produksyon ng baboy, gulay, itlog, galunggong , tilapia, bangus at iba mga pangunahing pagkain para sa sambayanang Pilipino at for export sa buong mundo.
Kaya nga ang tanong ko rito kay Agriculture Secretary Fransisco Tiu Laurel Jr. Ikaw na ba talaga ang matagal na nating hinahanap na “fresh start” at “large scale” , at “global” mag-isip na pinuno ng DA? Ikaw na ba ang magpapaunlad sa “food security” ng bansa at pag-alis natin sa tanikala ng importasyon?
Nakakalungkot isipin lalot 2 porsyento lamang taun-taon ang iniuunlad ng ating buong agrikultura gayong sagana at malawak ang ating lupa, karagatan, irigasyon at napakaraming masisipag na mamamayan.
Sa kauna-unahang pagkakataon, isang bilyonaryo ang uupong DA secretary, si Tiu Laurel Jr. Itawid kaya niya sa modernong kaunlaran ang ating agrikultura? O lalo niya tayong ibabaon sa kahirapan?