Simula sa Nobyembre 13, mas mataas na multa na ang ipapataw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pasaway na motoristang dadaan sa EDSA bus lane/bus carousel lane.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, sa ilalim ng MMDA Regulation No. 23-002 na inaprubahan ng Metro Manila Council, P5,000 ang multa para sa unang offense, P10,000 sa ikalawang offense na may kasamang isang buwang suspension ng driver’s license at road safety seminar at P20,000 sa ikatlong offense at isang taong suspension ng driver’s license.
Nasa P40,000 naman ang inirekomenda ng Land Transportation Office na multa para sa ikaapat na offense at revocation ng driver’s license
“These EDSA bus lane violators will be reported to the Land Transportation Office and penalties will be attached to the vehicle owners,” pahayag ni Artes.
Ayon kay Artes, iiral ang bagong kautusan sa lahat ng pampubliko at pribadong sasakyan na hindi awtorisadong dumaan sa EDSA bus lane.
Samantala, sinabi ni Artes na bumuo na rin ang MMDA ng strike force na tutulong sa pagsasagawa ng clearing operations sa mga illegally-parked vehicles sa Mabuhay Lanes at iba pang lugar sa Metro Manila.
“The strike force shall conduct regular clearing operations on all Mabuhay Lanes and reported areas to ensure that alternate routes for EDSA are passable and obstruction-free. They will be equipped with body-worn cameras and handheld ticketing devices which they will use in their operation,” pahayag ni Artes.