Mga mangingisda sa Masinloc gutom at galit sa China; higanteng boya effigy inilagay
By: Chona Yu
- 1 year ago
Gutom at galit na sa China ang mga Filipinong mangingisda sa Masinloc, Zambales.
Ito ay dahil sa patuloy na pangha-harass ng China sa kanilang hanay.
Higanteng boya effigy ang pinakawalan ng mgaangingisda ngayong araw sa isla ng San Salvador.
Ayon sa Asosasyon ng mga Mangingisda sa Masinloc, patuloy ang harassment at agresyon ng China sa Scarborough Shoal.
Nakasulat sa higanteng boya ang mga katagang “Atin Ang Pinas” na tanda ng pag-angkin ng mga mangingisda sa kanilang pinagkukuhanan ng kabuhayan.
Ayon kay Kagawad Richard Pascual at incoming kapitan ng isla ng San Salvador, ang isla ay umaasa sa biyaya ng karagatan.
Sabi ni Pascual, labis na nakaapekto sa kanilang kabuhayan, pagkain, at payak na pamumuhay sa isla ang agresyon ng China.
Gutom at galit na aniya ang mga mangingisda dahil sa patuloy na pagpigil sa kanila ng China na makapaglayag.
Nagpapasalamat naman ang mga mangingisda sa lokal na pamahalaan at kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa suporta at tulong sa mga mangingisda pati na kay Mayor Arsena Lim.
Nagpapasalamat din ang grupo sa Philippine Coast Guard dahil sa patuloy na pagtatanggol sa kanilang karapatan na mangisda sa lugar.
Ayon kay Pascual ang tanging hiling nila ay ang payapang paglalayag sa karagatan upang buhayin ang kanilang pamilya.