Rainbow Report Card nilunsad para sa protection ng LGBT community
By Chona Yu October 28, 2023 - 09:33 AM
Inilunsad ng grupong Pride PH at PANTAY ang The Rainbow Report Card na siyang magbibigay ng grado sa mga paaralan sa bansa kaugnay sa patas na pagtrato sa mga mag-aaral na nasa hanay ng LGBTQ+.
Ang launching ay sinaksihan nina Ambassador Marielle Geraedts ng The Netherlands, Comm. Afayda Dumarpa ng Commission on Human Rights , Commission on Higher Education, Dept of Education at FEU president Juan Miguel Montinola.
Layunin ng hakbang na bigyan ng grado ang mga paaralan sa Metro Manila kung naipapatupad ba ng tama ang Gender and Equality sa hanay ng mga estudyante na bahagi ng LGBTQ+.
Sinabi ni Mela Habijan Convenor ng PridePH na may mga natanggap silang ulat na mayroong mga paaralan ang hindi tumatanggap ng mga estudyante kapag enrollment, hindi nagbibigay ng exam sa mga LGBTQ+ na mahaba ang buhok, hindi nagsasagawa ng Pride Month tuwing Hunyo, hindi pinapayagang magsuot pambabae ang LGBTQ+ sa graduation at maraming iba pa.
Sinabi ni Rye Manuzon Executive Director ng grupong Pantay na pamamagitan ng The Rainbow Report Card, matutukoy ang mga eskwelahan kung maayos na naipapatupad ang mga Memorandum Orders ng DepEd at CHED kaugnay ng Project Gender Equality Index for Schools.
Pinasalamatan din ni Munzon si FEU President Juan Montinola at Congressman Teodorico Haresco sa suporta sa pagsusulong sa mga karapatan ng LGBTQ+ sa bansa.
Magsasagawa rin ang Pride PH at PANTAY ng mga consultation at validation workshop sa mga paaralan tulad ng FEU Manila, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, PHINMA Education, Pasig City Science High School at Ateneo Senior High School para sa pilot implementation ng rainbow report card.
Binigyang diin naman ng CHR na ang ahensiya ay mananatiling partner agency ng grupong Pantay, Embassy of Netherlands at sa iba pang govt agencies at educational institution upang maipadama ang mensahe ng Gender Equality bill para sa LGBTQ+ coomunity laluna sa mga paaralan sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.