Dinagdagan ng Department of Budget and Management ang pondo para sa National Healh Insurance Program (Philhealth) para sa susunod na taon.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, nasa P101.51 bilyon ang panukalang pondo para sa 2024, mas mataas ito ng P1.28 bilyon kumpara sa kasalukuyang budget.
Layunin ng dagdag pondo na matugunan ang pinalawak na mga benepisyaryo at doblehin ang annual premium rate para sa Persons-with-Disability (PWDs) mula P2,400 hanggang P5,000.
Sa ilalim ng mandato ng Universal Health Care (UHC) Law o R.A. 11223, ang PhilHealth ay inatasang magkaloob ng health insurance coverage at tiyaking abot-kaya, katanggap-tanggap, magagamit, at madaling ma-access na mga serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Filipino.
Ayon kay Pangandaman, ang panukalang dagdag pondo ay patunay sa pagtupad ng pangako ng gobyerno na palakasin ang pangangalagang pangkalusugan para sa mga marginalized at disadvantaged na komunidad, na gumagamit ng mga insight mula sa pandemya upang palakasin ang mga primary care unit sa buong bansa.
Nasa 12.75 milyong mahihirap na indibidwal na tinukoy ng National Household Targeting System ng Department of Social Welfare and Development (DSWD); 8.26 milyong senior citizens (ayon sa RA 10645); higit sa 15,000 financially handicapped point-of-service patients; 136,000 unemployed persons with disabilities, at 25,512 indibidwal na tinukoy sa Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Peace and Development Program ang makikinabang sa pondo.