Marcos bubuhayin muli ang napag-iwanang sektor ng pangingisda

Bubuhayin at palalakasin muli ni Pangulong Ferdinand “Bongbong”  Marcos Jr. ang sektor ng pangingisda na aniyang ilang dekada nang napabayaan ng pamahalaan. Sa kanyang mensahe sa Federation of Free Farmers o FFF, iginiit ng Pangulo na bubuhayin niya muli ang mga reporma ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. sa agri-fishery sector. Ayon kay Pangulong Marcos, ang kasalukuyang tumatayo na Secretary of Agriculture, deka-dekada nang napag-iwanan ang sektor ng pangingisda kaya’t kailangan na ito sumailalim sa agarang modernisasyon at mekanisasyon. Aniya, sinisiyasat na ng Department of Agriculture (DA) ang ang mga pangangailangan ng mga Pilipinong magsasaka at mangingisda para palakasin ang kanilang ani at produksyon. Kaakibat nito ang pag-angat ng antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino sa naturang mga sektor. Sa panukala ng administrasyong Marcos, balak nitong maglaan ng P92.4 bilyong pondo sa taong 2024 para sa modernisasyon ng agri-fisheries sector. Ngayong 2023, naglaan din ang Department of Agriculture ng P4.73 bilyong pondo bilang investment sa malakihang mekanisasyon at modernisasyon ng mga sektor ng agrikultura at pangingisda. Tiniyak din ni Pangulong Marcos na palalakasin din ang mga asosasyon at kooperatiba ng sektor para maiangat ang hanapbuhay ng mga magsasaka at mangingisda.

Read more...