Car ban (No window hours) sa buong Metro Manila, isang kabaliwan—‘WAG KANG PIKON! ni JAKE J. MADERAZO

October 26, 2023 - 07:11 AM

 

Hindi ko malaman kung nasisiraan ng bait ang Metro Manila Council  na binubuo ng lahat ng  Metro Manila mayors nang aprubahan nila ang pag-aalis ng window hours sa number coding ngayong “ber months”.

Ang MMC resolution na may petsang October 3 ay nagtatakda ng panibagong   “7am to  7pm with no window hours” sa lahat ng Circumferential at Radial roads sa Metro Manila. Ibig sabihin nito, kung number coding ang sasakyan mo, “BANNED” o bawal kang dumaan sa EDSA, Recto ave, Pres. Quirino avenue, Araneta ave., CP Garcia  Ave (C5), gayundin sa Roxas /lvd., Taft Avenue, SLEX, Shaw blvd, Ortigas ave, Magsaysay/Aurora Blvd, Quezon/Commonwealth ave., A. Bonifacio ave.,Rizal ave at Anda circle to Samson Road. Isinama rin dito ang Alabang-Zapote road sa Las piñas-Muntinlupa , Samson road at Mabini s Caloocan city , Marcos Highway at MacArthur Highway.

Ayon sa resolusyong ito, dahil daw sa tumitinding trapiko kapag kapaskuhan, kailangan nilang i-adjust  ang “number coding”. Ayon sa MMDA data, tumataas ang “traffic volume” sa huling tatlong buwan  ng taon dahil  maraming sasakyan ang pumupunta sa mga commercial at retail areas. At nagkasundo nga ang mga Alkalde ng Metro Manila at nag-isyu ng resolusyon matapos ang kanilang pulong sa Pasig.  Wala pang petsa kung kailan ito ipatutupad ng MMDA at ng MMC, pero ngayon pa lang mistulang “CAR BAN” ang kanilang intensyon. Ayon sa resolusyon, magkakabisa ito matapos ma-publish sa dalawang (2) pahayagan at ang kopya ay naisumite sa Office of the National Administrative Register, UP College of Law.

Pinalitan ng resolusyong  ito ang kasalukuyang UVVRP window hours na “7am to 10am at 5pm to 8pm”  Lunes hanggang Biyernes. Ngayon , kahit number coding ang sasakyan mo magpalipas ka lang ng window hour ay pwede mo nang ilabas ang sasakyan mo.

Sabagong sistema, garahe o hindi mo na magagamit ang halimbawa ay nag-iisang sasakyan mo sa maghapon.  At kung paano ka makakarating ng upisina  mo, bahala kang mag-commute o  makisakay sa mga kapitbahay.

Walang problema rito ang mga mayayaman kasama na ang mga Metro Manila mayors na ito dahil tig-tatlo o hanggang apat ang kanilang sasakyan. Paano naman yung mga isang kotse lang ang  kayang i-maintain?  Gusto  ba ng MMDA at MMC na bumili ng tig-isa pang kotse ang bawat motorista para makarating  sa trabaho at mabuhay?

Mabuti sana kung maasahan ang mass transport system ng  gobyerno ngayon sa Metro Manila. Siksikan ang MRT3, LRT 1 at 2, sususpindihin pa ang mga tren, at matagal pa ang MRT 7 at Mega Subway. Saan magko-commute ang  mga empleado? Sa GRAB, Angkas, Joyride, Move it atbp? Ano ba naman kayo, mga Mayor at MMDA?

Hindi bat Edsa at C5 lang ang matinding  problema natin? Bakit hindi niyo muna sampulan ang “CAR BAN” diyan muna sa EDSA at C5 bago niyo  isama ang lahat ng major roads dito sa NCR?  Tutal meron nang ‘WAZE” kung saan alam  ng mga motorista ang mga daan para umiwas sa Edsa o C5 . Kung nagkakatraffic ng husto riyan, bakit idadamay niyo ang iba pang lugar na napakalayo naman .  Bakit pati SLEX na tollway ang namamahala? At tanong natin, bakit  motorista  na naman ang may kasalanan sa nangyayaring  traffic?

Inuulit ko, pabor ako sa NO WINDOW HOURS pero sa EDSA at C5 lang..Huwag na huwag naman sana  sa lahat ng mga major roads dito sa Metro Manila. Kabaliwan  talaga ang ganitong “shotgun approach” at “collective punishment”  sa ating mga motorista. Nais nating malaman kung sinu-sinong Mayor ang pumayag  diyan sa resolusyon na iyan.

Pinag-aralan niyo ba ang epekto nito sa ekonomya ng Metro Manila?  Sa totoo lang, magkakawindang-windang  ang Metro Manila kapag pinatupad ang CAR BAN . Hindi na bago ang sistemang ito na walang window hours. Epektibo ito lalo na sa Makati. Pero, isang lungsod lang yun at hindi uubra sa  buong Metro Manila.

Ngayon pa nga lang marami na ang umaalma kayat urong sulong na ang MMDA  sa pagpapaliwanag. Noong una, pinapabulaanan ang mga balitang  aalisin na ang window hours, ngayon sinasabing “standby” lang daw ang resolusyon at titimbangin pa nila  kung kakailanganin. Titingnan pa raw kung bibigat ang trapiko sa EDSA at C5 sa kalagitnaan ng Nobyembre.

Kabobohan. Abangan na lang natin magiging galit dito ng mga sambayanan dito  sa MMDA at sa mga Mayors ng Metro Manila Council.

TAGS: Coding, column, jake maderazo, mmda, news, Radyo Inquirer, wag kang pikon, Coding, column, jake maderazo, mmda, news, Radyo Inquirer, wag kang pikon

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.