PhilHealth naglaan ng higit P72 million sa Quezon Primary Care Provider Network’s (QPCPN) Konsulta Sandbox
By: Chona Yu
- 1 year ago
Naglaan ng kabuuang P72,983,582.39 million sa Quezon Primary Care Provider Network’s (QCPCPN) Konsulta Sandbox ang pambansang health insurer na Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) matapos itong ilunsad nitong Hulyo ng taong kasalukuyan.
Dahil dito ay naungusan na ng Lalawigan ng Quezon ang iba pang sandbox sites o pilot areas tulad ng Bataan, Guimaras, South Cotabato, at Baguio City na matanggap ang pondo na magbibigay sa lalawigan ng kakayahang pagkalooban ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan at makapaghatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga residente nito.
Bilang unang local government unit (LGU) sa bansa na nakapagtatag ng Konsulta Primary Care Provider Network (PCPN), ang Quezon Province ay kaya ng bigyang ng primary care service provider o abot kayang serbisyong pangkalusugan ang mga taga-lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng implementasyon ng Konsultasyong Sulit at Tama o Konsulta primary care benefit package, na kinabibilangan ng free primary care consultation, health screening and assessment, diagnostic services, at probisyon ng mahahalagang gamot sa kahit na saang Konsulta Package Provider (KPP).
Ang inilaang pondo ay diniposito sa Provincial Special Health Fund na gumagarantiya sa lahat ng mga taga-Queson ng madali, sapat, mura at de-kalidad na health-care products at serbisyo.
Ayon kay Governor Doktora Helen Tan, ang mga residente ng lalawigan ay makikinabang sa programa na maaari nilang makuha mula sa iba’t-ibang health facilities sa buong Quezon.
Hinikayat ng Gov. Tan ang mga residente ng Quezon na magparehistro sa kanilang rural health units (RHUs), health centers o sa Quezon Provincial Hospital Network (QPHN), kabilang na ang QPHN-Alabat, QPHN-Bondoc Peninsula (Catanauan), QPHN-Candelaria, QPHN-Claro M. Recto (Infanta), QPHN-Dona Marta (Atimonan), QPHN-Guinayangan, QPHN-Gumaca, QPHN-Magsaysay (Lopez), QPHN-Mauban, QPHN-Polillo, QPHN-Sampaloc, QPHN-San Francisco, QPHN-San Narciso, QPHN-Unisan, and QPHN-Quezon Medical Center, upang makakuha ng mga benepisyo, lalo na sa mga out-patient medical needs.
“In pursuit of universal health care (UHC) and consistent with the objectives of primary health care, the Province of Quezon is committed to undertake vigorous health facilities enhancement, sustainable provision of medicines and supplies, and stronger health information system”, ayon kay Tan.
Ipinaliwanag ni Tan, na siyang principal author ng UHC Act, na ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagsasama-sama sa pangkalusugang sistema ng Quezon sa Province-Wide Health System na dinisenyo upang magbigay ng patuloy, may ugnayan at pinagsamang pangangalaga na tutugon sa fragmentation issues sa paghahatid ng serbisyo.
Pinasalamatan niya si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasama ang PhilHealth, Department of Health pati na ang mga local chief executives, municipal health officers, mga pinuno ng ospital ng lalawigan sa pagsuporta sa implementasyon ng nasabing programa.