Maraming isyu na bumabalot sa sitwasyon ng African swine flu (ASF) ang pinuna ni Senator Cynthia Villar.
Sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Senate Committee on Agriculture, partikular na ipinunto ni Villar ang ilegal na pagbebenta ng mga bakuna sa kabila na sumasailalim pa lamang ang mga ito ng “clinical trial.”
Hiningi din ng senadora sa pagdinig ang paglilinaw ukol sa ahensiya na responsable sa pagbabantay sa bentahan ng mga bakuna para sa mga hayop.
Gayundin ang proseso sa pagpapasok ng anti-ASF vaccine sa Pilipinas maging ang protocols ng pre-trials para mapatunayan na ligtas ang mga ito kapag ipinagbili na sa merkado.
“The continuing spread of ASF is a matter of concern for the pig industry on a global scale as well as on the national scale in the Philippines,” Villar said.
Binanggit din nito na simula nang madiskubre ang sakit sa mga baboy sa Rizal Province noong 2019, naging malaking hamon na ang pag-kontrol sa pagkalat pa ng sakit.
Diin niya, ang mababang kalidad ng bakuna ay hindi makakatulong o makakapagbigay proteksyon laban sa ASF.
Nababahala si Villar na maaring magdulot pa ito ng iba pang sakit.