Produksyon ng mga magsasaka sa N. Ecija lumago
By: Choan Yu
- 1 year ago
Dahil sa kaliwa’t kanang ayuda ni Pangulong Marcos Jr., tumaas ang produksyon ng mga magsasaka sa Nueva Ecija.
Ayon kay Fernando Salvador, chairman ng 44-member Binabuyan Farmers’ Association sa Barangay Pinili sa San Jose City, dahil sa libreng binhi at abono, umabot sa mahigit 100 kaban ng palay ang naani sa kada ektarya.
Mas mataas aniya ito kumpara sa nakaraang anihan.
“Ngayong rainy season nagtanim po kami ng inbred, at dahil sa mahusay na pag-aalaga nakaani kami nang mahigit isangdaang cavan kada ektarya, na mas marami kumpara sa mga nakaraang taon,” pahayag ni Salvador.
Sabi pa ni Salvador, naibenta niya sa P20 kada kilo ang palay, mas mataas aniya ito kumpara sa mga nakaraang anihan.
Bukod sa binhi at abono, sinabi ni Salvador na malaking tulong din ang libreng technical assistance ng Department of Agriculture (DA).