Pagbibigay ng fuel subsidy mas madali na

 

Ginawang simple na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbibigay ng fuel subsidy o ayuda sa mga nasa sektor ng transportasyon na apektado ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Energy Secretary Rapahel Lotilla na sa halip na tatlong buwan, nais ni Pangulong Marcos na gawing isang buwan na lamang ang probisyon sa fuel subsidy.

Sa kasalukuyan, kailangan munang hintayin ng pamahalaan na umabot sa $80 dollars per barrel ang presyo ng produktong petrolyo sa world market sa loob ng tatlong buwan bago magbigay ng ayuda.

Sabi ni Lotilla, isa lamang ito sa mga hakbang na ipatutupad ni Pangulong Marcos para matulungan ang mga nasa transport sector.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang utos matapos ang sectoral meeting sa Malakanyang kung saan ipinatawag ang mga opisyal ng Department of Transportation, Department of Trade and Industry, Department of Budget and Management, Department of Agriculture, National Economic Development Authority at Department of Information and Communications Technology.

Pero nilinaw ng kalihim na hindi ito nangangahuluhan na buwan-buwang may fuel subsidy sa tuwing aabot sa U$80 per barrel ang langis.

Sinemplehan na rin aniya ang listahan ng mga benepisyaryo.

Sabi ni Lotilla, ang DOTr na ang magko-consolidate ng listahan ng mga benepisyaryo.

Sa kasalukuyan kasi ay hiwa-hiwalay na nagbibigay ng listahan sa DBM ang DOTr, local government units at DILG.

Sa kasalukuyan, ang DOTr ang nangangasiwa sa listahan ng mga public utility vehicle, electric, bus at jeepney habang ang DILG ang sa mga ticycle at DTI sa mga delivery services.

Ayon kay Lotilla,  ang pagbabago sa lenguwahe o pag amyenda  ng  2024 General Appropriations Act  para sa pagpapatupad ng fuel subsidy ay inaasahang kasama na sa maaprubahan ng Kongreso kapag ipinasa ang budget  bago matapos ang kasalukuyang  taon.

 

Read more...