Early voting bill para sa SC, PWDs itinutulak ni Sen. Lito Lapid
Binuhay ni Senator Lito Lapid ang panukalang batas para sa maagang pagboto ng rehistadong senior citizens (SCs) at persons with disabilities (PWDs) sa local and national elections.
Sa paghain ng Senate Bill No. (SBN) 2361, sinabi ni Lapid na dapat payagan ang nasabing sektor na bumoto sa loob ng pitong araw sa accessible establishments na tutukuyin ng Commission on Elections (Comelec), bago ang nakatakdang lokal at pambansang halalan.
“Eleksyon na naman po sa Oktubre 30. Ako po ang nahihirapan na makita ang ating mga lolo at lola, kasama na ang mga may kapansanan, na nakikipaggitgitan sa pilahan upang magamit lamang ang kanyang karapatang bumoto,” sabi ni Lapid patungkol sa papalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Base sa 2021 datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang may 2,754,813 kababaihan at 3,635,271 kalalakihan na may edad 65 pataas sa buong bansa.
“Hindi dapat ma-disenfranchise o hindi makaboto ang nasa milyun-milyon nating senior citizens at PWds sa mga susunod na eleksyon. Umaasa ako na maipapasa ang panukalang ito bago pa sumapit ang 2025 elections,” dagdag pa ng Senador.
Binigyang-diin pa ni Lapid na ang karapatang bumoto ng ating mga kababayan ay pundasyon ng ating demokratikong lipunan.
“Sa pamamagitan ng hiwalay na araw bago ang aktwal na botohan, mabibigyan natin sila ng sapat na pagkalinga at panahon para makaboto. Maiiwasan din ang mahabang pila, siksikan at init sa presinto na delikado sa ating mga lolo, lola at PWDs,” paliwanag pa ng 68 anyos na Senador.
Nauna na ring nagsumite ng kahalintulad na panukalang batas si Sen. Cynthia Villar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.