Pagbuo ng independent body para sa Ph education assessment inaaral ni Gatchalian
Ikinukunsidera ni Senator Sherwin Gatchalian ang paghahain ng panukalang batas para sa pagbuo ng independent body na magsasagawa ng assessment sa natutuhan ng mga estudyanteng Filipino.
“Kung iisipin natin, ang Department of Education (DepEd) ang bumubuo at nagpapatupad ng curriculum, ito rin ang nagsasagawa ng assessment, sumusuri sa datos, at batay sa mga nagiging resulta ng pag-aaral, mismong DepEd din ang nagwawasto sa sarili nito. Pero bakit kailangang iwasto ng DepEd ang sarili nito kung siya naman ang gumagawa at nagpapatupad ng curriculum? Kaya marapat lamang na magkaroon ng isang independent body na siyang magsasagawa ng assessment, susuri ng mga resulta, at magbibigay ng mga rekomendasyon sa DepEd upang magkaroon tayo ng konsepto ng check and balance,” ani Gatchalian.
Inihalimbawa pa niya ang National Assessment Program-Literacy and Numeracy (NAPLAN) ng Australia na sumusukat at sumusuri sa literacy at numeracy ng mga batang Australians.
Sa Finland naman aniya isinasagawa ng Finnish Education Evaluation Centre (FINEEC) ang mga evaluation mula early childhood education hanggang sa kolehiyo.
Paliwanag ni Gatchalian, 1991 pa lang noong magbigay ang unang Congressional Commission on Education (EDCOM I) ng rekomendasyong lumikha ng isang malayang national testing and evaluation agency na bubuo, magsasagawa, at magsusuri sana ng mga national achievement tests.
Dagdag pa ng namumuno sa Senate Committee on Basic Education, walang organisado at sentralisadong data bank sa kabila ng pagsasagawa ng maraming mga test tulad ng Early Language, Literacy and Numeracy Assessment (ELLNA), National Achievement Test (NAT), Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA), Philippine Informal Reading Inventory (PHIL-IRI), at iba pa.
Aniya, ngayon ay walang regular at sistematikong pagsusuri ng assessment data upang magabayan ang mga kasalukuyang polisiya sa edukasyon.
Hindi rin ibinabahagi sa publiko ang mga assessment dataset para sa pagsusuri, bagay na nagdudulot ng kawalan ng malinaw at napapanahong feedback mechanism sa datos ng assessment ng mga mag-aaral, mga guro, mga eksperto, mga policy makers, at iba pang mga katuwang sa edukasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.