Nasabat na P30-M halaga ng smuggled cigarettes sa Indo nationals hinahanap

Mga kasong illegal entry at undocumented alien lamang ang naisampa sa dalawang Indonesian nationals at hindi economic sabotage sa kabila nang pagkakakumpiska sa kanila ng 600 kahon ng smuggled cigarettes. Tinatayang aabot sa P30 milyon ang halaga ng nakumpiskang puslit na mga sigarilyo ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) kina Fadli Macmud at Pajar Antarani noong Oktubre 17 sa karagatan ng Saranggani Province. Nabatid na hinahanap na rin kung saan kustodiya napunta ang mga nasamsam na kontrabando na mula sa Indonesia at kung naipaalam sa Bureau of Immigration ang pagkakahuli sa dalawang banyaga. Sa mga naglabasang ulat sa Indonesia, isang Cie Una, na sinasabing “financier” ng dalawang naaresto, ang ipinagyayabang diumano na “naayos” niya ang mga awtoridad sa Pilipinas. Bagamat sa MikeMediaIndonesia.com, isang website sa Indonesia, itinanggi ni Cie Una ang paninira sa mga awtoridad ng Pilipinas bagamat kumakalat din ang mga larawan niya kasama ang ilang lokal na opisyal ng Saranggani. Malapit din siya umano sa ilang opisyal sa South Cotabato at General Santos City. Pinaghihinalaan naman na sadyang ipinahuli ang P30 milyong halaga ng sigarilyo para maipasok ang 2,000 hanggang 2,500 kahon na nagkakahalaga ng P125 milyon. Ilan lamang sa brand ng sigarilyo na ipinuslit ay Guading Baru, Gajah Baru, Surya Baru, Gudang Garam at Gadang Baru, bukod sa mga pekeng branded cigarettes tulad ng Marlboro, Philip Morris at Winston. Pinansin naman na sa pag-upo ng administrasyong-Marcos Jr., naging talamak na ang smuggling sa tatlong lalawigan, pati na diumano ng droga kayat pinangangambahan na makapasok na rin ang mga terorista sa bansa.

Read more...