Indian na dinukot sa Cavite, nasagip sa QC

By Kabie Aenlle June 29, 2016 - 04:20 AM

Crime scene2Nasagip ng National Bureau of Investigation ang Indian national na dinukot ng isang kidnap-for-ransom group 10 araw na ang nakakaraan.

Tinukoy ni NBI Anti-Illegal Drugs Division (AIDD) Joel Tovera ang biktima na si Chaman Lal.

Natagpuan si Lal sa Novalices, Quezon City, Martes ng madaling araw na gina-gwardyahan pa ng dalawang lalaking sina Albino Pusos at John William Lucero.

Ayon kay Tovera, kaawa-awa ang sitwasyon ng biktima nang madatnan nila ito sa hideout ng mga suspek dahil ito ay nakagapos na parang aso sa sahig.

Gabi-gabi umanong tino-torture at tinatakot si Lal na papatayin kung hindi makukuha ng mga suspek ang ransom na kanilang hinihingi.

Dinukot na rin ng parehong grupo ang anak ni Lal isang taon na ang nakalilipas at pinalaya lamang ito matapos nilang matanggap ang P1 milyong ransom.

Inaresto ng NBI ang apat na kapwa niya Indian nationals na sangkot sa pag-kidnap sa kaniya na sina Ashwani Kumar, Rakesh Kumar, Shiv Chaunan at Matwinder Singh, pati na ang mga kasabwat nilang Pilipino na sina Pusoso, Lucero at Ailene Alarcio.

Nakumpiska rin ang isang cal. .45 na pistol, ilang motorsiklo at dalawang sasakyan.

Natanggap ni Tovera ang impormasyon mula sa kaanak ni Lal na dinukot ito sa Cavite noong June 18 at humihingi ng P30 milyong ransom ang mga suspek

Pinaghahanap pa naman ng NBI ang isa pang kasabwat ng grupo na si Ferdie Marvin.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.