Sinabi ni House Majority Leader Jesus Dalipe na susuportahan ng mayorya ang anumang gagawing legal na hakbang na gagawin laban kay dating Pangulong Duterte dahil sa banta na papatayin ang isang mambabatas.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Dalipe na nagkaka-isa ang mga mambabatas na mahinto na ang anumang banta ng kahit sinong personalidad.
Matatandaan na sa isang panayam din sa telebisyon noong nakaraang linggo, dinipensahan ni Duterte ang hinihinging daan-daang milyong piso ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte para sa Office of the Vice President at Department of Education.
Ipinaliwanag pa ng dating pangulo na ang dapat na target ng confidential at intelligence funds ay si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at iba pang miyembro ng Makabayan Bloc sa Kamara.
“Pero ang una mong target sa intelligence fund mo, kayo, ikaw France, kayong mga komunista ang gusto kong patayin,” ani Duterte.
Ayon kay Dalipe seryoso sa kanilang lahat ang anumang pagbabanta at dagdag niya hindi dapat ito ginagawa sa isang mambabatas.
Inihayag na ng Makabayan Bloc na ikinukunsidera nila ang legal na aksyon laban kay Duterte.