Sementeryo ng “kulto” sa Socorro sisilipin ng Senado

OSRDR PHOTO

Tutukan na rin sa gagawin pang pagdinig sa Senado ang sementeryo ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) sa Socorro, Surigao del Norte.

Sinabi ito ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, ang namumuno sa Senate Committee on Public Order, na nagsagawa ng ocular inspection sa lugar ng sinasabing kulto noong nakaraang Sabado.

Ayon kay dela Rosa, aalamin sa susunod na pagdinig kung legal ang eksklusibong libingan at may permiso ng lokal na pamahalaan.

Dagdag pa ng senador, aalamin din ang sanhi ng pagkamatay ng mga batang nailibing sa naturang libingan.

Umaasa ito na iimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dahilan na pawang mga bata lamang ang nakalibing doon.

May hinala na si dela Rosa na maaring aborsyon ang isa sa mga maaring dahilan bagamat kailangan pa ng mga ebidensiya at testimoniya.

Isang testigo na ang nagsabi na nalaman lamang niya na nagdadalantao siya nang malaglag ang kanyang nasa sinapupunan habang sila ay nasa physical training.

May impormasyon na isang bata ang namatay nang tumanggi si Senyor Agila na dalhin ito sa ospital sa katuwiran na tanging siya lamang ang maaring gumamot at magpagaling sa mga maysakit.

Read more...