Tinanggap na ni Senator Sherwin Gatchalian ang paghingi ng paumanhin ni dating Energy Secretary Alfonso Cusi sa ngalan ng pagbibigayan.
Ngunit, paalala lang din ni Gatchalian kailangan na maging maingat ang mga opisyal ng gobyerno sa kanilang pananalita dahil sa maaring maging epekto nito sa taumbayan.
Ngayon araw, nagpalathala si Cusi ng kanyang “statement of apology” sa ilang pahayagan.
“As government officials, it is our responsibility to maintain the highest standards of integrity and accountability. I believe that this episode serves as a reminder to all of us in government that our words and deeds should align with the principles of honesty, transparency, and commitment to the welfare of the public,” diin ni Gatchalian.
Sa naging pahayag ni Cusi, sinabi nito na wala siyang intensyon na akusahan ang senador ng anuman krimen at binabawi niya ang kanyang naging pahayag noong Pebrero 2020, na pag-aakusa kay Gatchalian na may pansariling interes sa Malampaya shares sale.
Pinagsisihan din ng dating kalihim ang anumang negatibong epekto ng kanyang pahayag kay Gatchalian at siya ay humihingi ng paumanhin kung ang kanyang mga nasabi ay nagdulot ng kahihiyan sa huli.
Una nang isinumite ni Gatchalian sa Office of the Ombudaman at Civil Service Commission ang Senate Resolution No. 137 na nagrerekomenda nang paghahain ng mga kasong kriminal at administratibo laban kay Cusi at iba pang opisyal ng kagawaran.
Kasunod ng mapanirang pahayag ni Cusi na nalathala sa website ng DOE, inireklamo siya ni Gatchalian sa Valenzuela City Prosecutors Office ng cyber libel.
Naglabas ang korte ng arrest warrant para kay Cusi bago nagbayad ng P10,000 bilang piyansa.