Nangangamba ang ating botante sa posibleng pagkakaroon ng malawakang dayaan sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa Oktubre 30.
Ang pangamba ay bunsod ng nararanasang brownout sa ibat – ibang panig ng bansa na posibleng makaapekto maging sa magiging resulta ng eleksyon lalo pa at mano-mano ang bilangan ng boto.
Hindi gaanong problema ang pagkakaroon ng brownout sa maliliit na barangay, subalit sa mga barangay na malalaki ang bilang ay lubhang may kahirapan at kadalasang inaabot ng dalawa hanggang tatlong araw ang bilangan.
Ayon sa ilang residente mula sa bayan ng Tanauan sa lalawigan ng Batangas, madalas ang brownout sa kanilang lugar, katunayan apektado na ang kanilang mga negosyo at pang-araw araw na buhay pero tanggap na umano nila ito, ang hindi umano nila matatanggap ay na maging ang kaisa-isang boto nila ay madaya pa dahil sa brownout.
Ganun din ang pagkabahala ng mga taga-Mindoro na madalas na nawawalan ng suplay ng kuryente.
Brownout din ang pinangangambahan ng mga botante sa Ugong, Valenzuela na ang botante ay umaabot sa mahigit 40,000 na maaring abutin ng ilang araw ang bilangan kung magpapatuloy ang brownout.
Sa lungsod naman ng Antipolo ayon sa isang nagngangalang Nanay Sela ng Barangay San Isidro, nitong nakaraang mga araw panay din ang pagkawala ng suplay ng kuryente, nangangamba sila na baka lumala ang ganitong sitwasyon hanggang araw ng eleksyon.
Ang Barangay San Isidro ay may 35,000 botante na ayon kay Nanay Sela, kung magpapatuloy ang mga ganitong brownout, baka maunsyami pa ang kanilang pagkakataon na makalaya mula sa dinastiya ng iisang angkan.
Kaalinsabay nitoy, umaapila sila sa mga service provider ng kuryente at sa tanggapan ng Commission on Election na maglaan ng mga generator sa mga voting centers para maibsan ang kanilang pangamba sa posibleng pagkakaroon ng dayaan.