Ibinahagi ni Interior Secretary Benhur Abalos na 95 porsiyento ng transport groups ang hindi makikibahagi sa inanunsiyo na tigil-pasada ngayon araw.
Pagtitiyak ni Abalos na hindi mapaparalisa ang sektor ng pampublikong transportasyon.
Ginawa ng kalihim ang anunsiyo matapos makipagpulong sa tinaguriang Magnificent 7 ng public transport groups, na binubuo ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (PISTON), Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Stop and Go, at Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP).
Sinabi pa ni Abalos na nakahanda ang gobyerno para maibsan ang epekto ng tigil-pasada sa pamamagitan nang pagpapakalat ng mga sasakyan, gayundin ang pagtatalaga ng multi-agency command center sa Pasig City para subaybayan ang mga kaganapan.
Bubuo din aniya ng isang technical working group (TWG) para matugunan ang mga reklamo ng pangingikil sa sektor.
Unang ibinunyag ni Mar Valbuena, ng grupong Manibela, ang korapsyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na humantong sa pagsuspindi ni Pangulong Marcos Jr., kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.
Gayunpaman, nanindigan si Valbuena na ikakasa nila ang tigil-pasada na aniya ay lalahukan ng libo-libong public transport operators at drivers sa Mendiola sa Maynila.