Pilipinas hindi na dapat nananatiling importer ng pangunahing produkto ayon kay Pangulong Marcos

Hangad ni Pangulo at Agriculture Secretary Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mabigyang prayoridad ang produksyon ang mga pangunahing produkto na gawang Filipino at mapalakas lalo ang sektor ng agrikultura upang hindi na manatiling importer ang Pilipinas. Ayon kay Ramon Ang, President at CEO ng San Miguel Corporation, sinabi sa kanya ni Pangulong Marcos noong kampanya na hindi na dapat nanatiling nag-iimport ang Pilipinas ng baka, baboy, manok, isda at iba pang agricultural product mula sa mga dayuhan. Giit ng Pangulo, dapat magtulungan ang mga Filipinong negosyante para palakasin ang lokal na produksyon ng mga pangunahing produkto upang maging less-dependent sa import ang merkado. Inihayag ito ni Ang matapos pangunahan ni Pangulong Marcos ang inagurasyon ng malaking poultry farm sa Hagonoy, Davao del Sur na maituturing na world-class controlled climate poultry farm ng isang malaking kumpanya sa bansa. Inaasahan ang poultry farm na makapagbibigay ng trabaho sa mahigit isang libong Pilipino at ng oportunidad para sa mga MSME, mga pamilya ng mga magsasaka at iba’t ibang sektor. Sa talumpati ni Pangulong Marcos, modernisasyon ng agrikultura ang susi ‘di lang kontra gutom at kahirapan, pati na rin ang pagkamit ng food security at self-sufficiency. Kapag nakamit ang self-sufficiency sa Pilipinas, naniniwala si Pangulong Marcos na hindi na aasa pa ang mga Pilipino sa imported na agricultural product para mapunan ang kakulangan sa supply. Dagdag ng Pangulo, hindi dapat kalimutan ang mga maliliit na magsasaka sa usaping modernisasyon, gaya ng payo niya kay Ang at sa iba’t ibang mga negosyante na magtulong-tulong at makisosyo sa mga lokal na magsasaka. Matatandaan na sunod-sunod na direktibang pabor sa Pilipinong magsasaka ang ibinaba ni Pangulong Marcos sa kanyang pamumuno bilang Secretary of Agriculture. Isa rito ang pagbasura ng panukala ng kanyang economic team na babaan ang buwis sa imported na bigas bilang pagpabor sa mga Pilipinong magsasaka. Iginiit ng Pangulo na prayoridad ng pamahalaan ang pagtulong sa mga Pilipinong magsasaka kaysa mga importer.

Read more...