Naibebenta na ngayon ng mga magsasaka sa Isabela sa mas mataas na presyo ang palay.
Ayon kay Samuel Lugo, presidente ng Tumauini Irrigation Pilot Area, nasa P20 kada kilo na ang bentahan sa fresh palay habang nasa P26 kada kilo para sa dry palay.
“Naibenta namin ang aming sariwang palay sa P20 kada kilo, kaya kami’y nakabawi ngayon. Ang dagdag na kita ay malaking tulong sa aming pamilya para sa pang-araw-araw na pangangailangan,” pahayag ni Lugo.
Sabi ni Lugo, masaya ang kanilang hanay sa mataas na bentahan ng palay.
Ayon kay Lugo, nagpapasalamat ang mga magsasaka kay Pangulong Marcos para sa suporta tulad ng binhi at abono ng Department of Agriculture sa apat na libong magsasaka na nagtatanim sa mahigit 3,000 ektaryang lupa sa Tumauini, Isabela.
Sinabi naman ni Noel Baquiran, municipal agriculturist ng Tumauini, Isabela, maayos ang kita ng mga magsasaka ngayong wet season ng taong 2023.
Paliwanag niya, bumaba ang gastos ng mga magsasaka dahil sa mga suporta ng DA at sa P2 subsidy ng Isabela Provincial Government na dagdag pa sa mataas na buying price ng National Food Authority.
Base sa datos ng DA Regional Field Office ng Cagayan Valley, 5 metric tons per hectare ang average yield na may average gross income ng P112,000 ang bawat asoasyon.
Sa kabuuan ng wet season ngayong 2023, umaabot na sa 326,301 ektarya na ang naitanim na palay sa lalawigan ng Isabela, na may target production ng 606,826 tonelada ng palay.
Sa talaan noong Setyembre 30, nasa 108,528 ektarya na ang naiani ng mga magsasaka na umaabot sa production na 453,400 metric tons ng palay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.