Sumabog ang mga anomalya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos mabulgar ang mga lagayan sa “special permits, franchises at modifications ng mga ruta”.
Ang whistleblower ay si Jeff Gallos Tumbado, dating head executive assistant ni suspended LTFRB Teofilo Guadiz III at hepe ng kanyang information bureau. Si Tombado na dating kolumnista sa print (Bulgar) at reporter sa broadcast (DZMM) na nagtrabaho sa LTFRB bilang pinuno ng communications group noong October 2022, na-promote na head executive assistant ni Guadiz nitong Pebrero. Naglingkod ng anim na buwan pero misteryosong nagbitiw nitong September 15.
Magmula nang ibulgar ni Tumbado ang mga anomalya ng kanyang dating boss, dalawang grupo ng jeepney driver ang nag-press conference at itinuro na si Tumbado ang siyang naghihingi ng lagay. Una, si LTOP President Orlando Marquez ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas na nagsabing si Tumbado ay nanghingi sa isa nilang miyembro ng P300,000 “bribe money” para sa prangkisa. Matapos daw niya itong isumbong kay Guadiz, sinibak agad si Tumbado at “ngayon ay nagkakanta na.”
Isa pa ring jeepney group sa pangunguna naman ni Zaldy Ping-ay, Chairman ng Stop and Go Coalition, ang kumumpirma sa sinasabi Marquez at bumatikos din kay Tumbado na umano’y dumidiskarte sa kanyang sarili. Ipinagtanggol din ni Ping-ay na hindi gumagawa ng katiwalian si Chairman Guadiz.
Pero, sinuspindi pa rin ng Malakanyang at pinaiimbestigahan si Guadiz. Itinalaga si Mercy Paras Leynes bilang bagong officer in charge sa LTFRB. Ayon sa Pangulo, hindi niya pinapayagan ang mga katiwalian sa kanyang administrasyon. Kinondena niya ang kawalang katapatan at pagiging doble-kara sa serbisyo publiko. Sa panig naman ni DOTR secretary Jimmy Bautista, binigyan si Guadiz ng “notice to explain” memo sa loob ng tatlong araw para magpaliwanag kung bakit di siya kakasuhan. ng “grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of the service”. Sa kanyang press statement noong Lunes, pinasinungalingan ni Guadiz ang lahat. “Wala pa po akong nalalaman na anumang opisyal na inihain laban sa akin, pero kung mayroon man, haharapin naman po natin dahil malinis po ang ating kalooban”.
Nagsimula ang lahat sa press conference ng jeepney group Manibela kung saan ibinulgar ni Tumbado ang” lagayan” sa LTFRB na sangkot ang mga “regional directors” ng LTFRB, dalawang opisyal sa DOTR, dalawang kongresista at pati ilang opisyal sa Malakanyang. Meron daw siyang “firsthand evidence” tulad ng “screenshots ng mga text sa cellphone” at mga “audio recordings” kung paano napupunta ang lagay sa mga kasangkot na opisyal. “Usap tayo, Negosyo” ang ilan sa mga text ni Chair Guadiz sa mga screenshots.
Ang lagayan para makuha ng prangkisa ay umaabot daw ng limang milyong piso bawat isa. Merong pitong UV transport sa Region 3 ang nag-alok ng P10M para ma-upgrade ang 105 units nila sa modernization program. Meron ding Viber messages na nag-offer kay Chair Guadiz ng P30K sa bawat prankisa ng GRAB sa Pampanga na ang kabuuang lagay para sa 27 units ay P810K. Bukod dito, meron ding nagbigay ng P140K sa isang drawer para kay Guadiz. Ang mga transaksyon ay galing sa mga taong RD Cj, Rainbow at SV3 na nakuhanan ng screenshots ang mga usapan.
Naniniwala pa si Tumbado na si Guadiz ay maaring sumusunod lamang sa “instructions sa itaas” pero ibinulgar niya na ang mga LTFRB regional directors ay mayroong quota na tig-dalawang milyong piso. Meron ding tumatanggap ng tig-P100K bawat buwan ang dalawang “higher ups” sa DOTR. Ipinahayag pa ni Tumbado na magsasampa sila ng mga kaso sa Ombudsman laban sa mga opisyal ng gobyerno na kasangkot sa “ruta for sale” scheme.
Dahil sa mga anomalyang ito sa LTFRB, hiniling ni Senator Grace Poe ng Senate Committee on public services, sa DOTR ang agarang pagsuspindi sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization program. “Hindi na nga makausad nang maayos ang program dahil sa ibat ibang isyu, nabahiran pa ng “corruption”.
Ang grupong MANIBELA sa pamumuno ni Chair Mar Valbuena ay nagbanta ng pambansang tigil pasada sa Lunes, October 16 kahit suspindido na si Chair Guadiz. Ayon sa MANIBELA, tatayo silang co-complainant ni Tumbado sa mga isasampang kaso nito. Niliwanag di ni Valbuena na ang patuloy na pang-iipit ng LTFRB sa kanilang mga tradisyunal jeepney franchise holders na itinakda na sa December 31. Sasama daw sa kanilang welga ang mga drivers ng UV EXPRESS, Taxi, at TNVS.
Kung susuriin, kahit noong panahon ni Digong, sobrang talamak ang mga anomalya sa LTFRB lalo na sa mga Certificiates of Public Convenience (CPC). Naalala ko si dating LTFRB chair Martin Delgra noong December 2017, nang idismiss niya ang 62 empleyado ng LTFRB kabilang ang pitong “regional directors”, mga abogado at rank-and-file staff members”. Magugunita ring hinagisan ng “improvised explosive device” (I-E-D) ang LTFRB compound noong mga panahong iyun. Nakakalungkot na hanggang ngayon ay meron pa ring nangyayaring nangyayaring “corruption” sa LTFRB sa ilalim ng Marcos Jr. Administration.
Pero sa matinding away na nabulgar, maraming “conspiracy theories” tuloy ang lumilitaw. Nagka-onsehan lang ba sa partihan ang mag-among Guadiz at Tumbado? Nag-resign ba talaga si Tumbado o nahuli sa akto kaya sinibak ni Guadiz? Pera ba talaga ang pinag-awayan nila o may iba pang dahilan? Sino sa kanilang dalawa ang nagsasabi ng totoo? At Sino naman sa kanilang dalawa ang tingin niyong “nuknukan ng sinungaling”?
(Pahabol) Nag-isyu ng affidavit kahapon si Tumbado at nagpahayag – “Matapos ang puspusang pag-iisip, lahat ng mga ipinahayag ko noong October 9 press conference sa publiko ay naging “unintentional” (hindi sinasadya) at “misguided” (nawala sa direksyon).
“Ang lahat ng iyon ay nangyari dahil sa kapusukan (impulse) , hindi tamang pag-iisip, maling paghuhusga at desisyon.”