Revilla: Walang dapat maiiwan, hindi mabibilang sa mga Pinoy sa Israel

Hinikayat ni Senator Ramon Bong Revilla, Jr. ang gobyerno na gawin ang lahat ng hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino sa Israel at Gaza.

Pinatitiyak din ni Revilla na walang maiiwan at walang hindi mabibilang sa mga Filipino na kasalukuyang naiiipit sa matinding kaguluhan.

Sinabi ito nang senador matapos ang pagkumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may dalawang Filipino ang kabilang sa mga pinatay ng militanteng grupong Hamas.

“Nakakalungkot matanggap ang balita na dalawa sa ating mga kababayan sa Israel ay lubhang naapektuhan ng kasalukuyang sigalot na nauwi sa pagkawala ng kanilang buhay. Nakikidalamhati po tayo at nagluluksa kasama ng kanilang mga pamilya,”  ani Revilla.

Dagdag pa ng senador: “Sa kabila nito, lalo akong nananawagan sa DFA at sa Department of Migrant Workers (DMW), gayundin sa buong pamahalaan, na tiyakin na nasa mabuting lagay na ang iba pa nating mga kababayan doon na maaari pang labis na maapektuhan. Dapat masiguro ang kanilang kaligtasan para hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga kababayan nating nasawi.”

Diin ni Revilla napakahalaga ng panahon sa pagsagip sa ating mga kababayan sa Israel kayat nararapat lamang na magamit ang lahat ng pagkakataon at oportunidad para mailagay sa ligtas na mga lugar ang mga Filipino.

“Hindi tayo dapat magpatumpik-tumpik dahil buhay nila ang nakataya sa bawat segundong lumilipas. Tiwala ako sa kakayahan ng ating mga opisyal. Last April lang nakita natin kung paano ni-repatriate ang mga kababayan natin sa Sudan. I expect na ganito rin ang mangyayari ngayon,” aniya.

 

Read more...