Nagpasa ng resolusyon ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) na nagpapahayag ng buong suporta sa Executive Order No. 41 o ang pagsuspinde sa pangongolekta ng pass-through fees sa lahat ng uri ng mga sasakyan na nagdadala ng mga kalakal.
Sa programang Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni ULAP national president at Quirino Gov. Dax Cua na nakikita nila ang kagustuhan ni Pangulong Marcos Jr. na tulungan ang mga konsyumer. Kaya naman gagawin aniya nila ang kanilang parte kung makatutulong ang EO 41 na medyo mapababa ang presyo ng mga bilihin. Pero ipinunto ni Cua na hindi lahat ng LGUs ay may pass-through fees at napag-alaman nilang iilan lamang ang may ganito. Kaugnay nito’y nais ng ULAP na makipagpulong sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA) at iba pang stakeholders kabilang ang mga truckers association, ibang business groups at trader upang matukoy ang mga sagabal na ordinansa. Nag-aalala rin kasi aniya ang mga lokal na pamahalaan na baka mayroong mga nagni-name drop lang ng LGUs pero iyon pala ay scam o raket lang ng mga kung sino-sinong enforcement groups o baka mga pekeng enforcement groups.Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.