Inirekomenda na ng embahada ng Pilipinas sa Amman, Jordan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na itaas ang alert level 3 sa Gaza Strip sa Israel.
Ito ay dahil sa nangyayaring gulo sa Israel at ng teroristang grupong Hamas ng Israel.
Ang embahada ng Pilipinas Amman ang nakasasakop sa Gaza Strip.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na sa ngayon, nasa 138 na Filipino ang naninirahan sa Gaza Strip.
Pero ayon sa opisyal, hindi mga overseas Filipino workers ang nasa Gaza Strip kundi mga Filipino na nakapag-asawa ng Palestinian.
Nasa 38 na aniya na Filipino sa Gaza ang nagpahayag na gusto nang umuwi sa Pilipinas.
Ibig sabihin sa Alert Level 3 ay voluntary repatriation.
Sa ngayon, sinabi ni de Vega na wala pang tugon si Pangulong Marcos sa rekomendasyon na isailalim sa Alert Level 3 ang Gaza Strip.
Tiniyak naman ni de Vega na handa ang pamahalaan na iuwi ang mga Filipino.
Pero ayon kay de Vega, hindi ito madali dahil sarado ang airport at mga pantalan sa Gaza.
Kasabay nito, sinabi ni de Vega na wala pa namang ipinatutupad na travel ban ang Pilipinas sa Israel.
Ibig sabihin, maari pang magtungo ang mga bakasyunista sa mga sikat na pasyalan sa Israel gaya ng Holy Land, Jerussalem, Bethlehem, Nazareth at iba pa.
Pero ayon kay de Vega, mas makabubuti kung ipagpapaliban na muna ang pagbiyahe sa Israel para na rin sa kanilang kaligtasan.
Sabi ni de Vega, wala ring deployment ban ang Pilipinas.
Katunayan, nasa 100 OFW na hotel workers ang maaring bumiyahe sa susunod na linggo.
Hinihintay na lamang aniya ng Pilipinas ang go signal mula sa Israel.
Nasa 1,800 na manggagawa ang ipinadadala ng Pilipinas sa Israel kada taon.
Sa pinakahuling talaan, mahigit 2,500 katao na ang nasawi sa pagitan ng Israel at Palestine.
Pitong Filipino naman ang naiulat na nawawala at patuloy na pinahahanap.
Patuloy pang kinukumpirma ng DFA kung mayroong Filipino ang nasawi o dinukot ng grupong Hamas.