DFA: 20 Pinoy nailigtas, 2 sugatan, 1 na-hostage sa giyera sa Israel
Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may 20 Filipino na ang nailigtas, samantalang dalawa ang nasugatan at may isa na napa-ulat na na-hostage sa kaguluhan sa pagitan ng puwersa ng Israel at grupong Hamas.
Bukod pa dito ang anim na Filipino na pinaghahanap base sa ulat mula sa Philippine Embassy sa Tel Aviv.
Ang mga nailigtas, ayon sa kagawaran, ay nadala na sa safe houses o hotels.
Bineberipika na ng DFA na isang Filipino ang kabilang sa hawak na hostages base sa isa sa mga video na kumakalat sa social media. Ang insidente ay ipinarating sa awtoridad ng kanyang maybahay, na isa din Filipino.
Samantala, 25 sa 137 Filipino na nasa Gaza Strip ang hiniling na mailikas dahil sa pagganti ng mga puwersa ng Israel bagamat wala pang opisyal na komunikasyon sa DFA ukol dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.