Arrest warrant inihirit para sa mga suspek sa nawawalang P75-M PAGCOR cash bond

Hiniling ng Office of the Provincial Prosecutor of Pangasinan sa isang korte sa Urdaneta City ang pagpapalabas ng warrant of arrest para sa 23 miyembro ng illegal online sabong syndicate. Ang sindikato na kamakailan ay sinalakay ng mga awtoridad sa bayan ng Laoac ay sinasabing pinamumunuan ng isang Jewel Castro at ng kanyang mga magulang  na sina  Simplicio at Rizalina Castro. Ang mag-asawang Castro ang itinuturo din na pangunahing suspek sa nawawalang P75 million  Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) missing cash performance bond. Sinabi ni  P/Lt. Col. Junmar Gonzales,  hepe ng PNP-CIDG Pangasinan Provincial Office, na naghihintay na lamang sila ng arrest warrant para masimulan ang manhunt operations. Hiniling ang pagpapalabas ng warrants of arrest para sa mga Castro matapos mabigo sila at ang iba pang respondents na humarap sa pagbabasa ng sakdal sa kanila noong Oktubre 5 sa Urdaneta RTC Branch 45. Kabilang ang mga Castro sa mga respondents, kabilang ang pito kasalukuyan at dating opisyal ng PAGCOR sa isang reklamo ng katiwalian sa Office of the Ombudsman bunsod ng nawawalang multi-million pesos performance bond ng isang online sabong firm. Magugunita na ipinagutos ni PAGCOR Chairperson and COO Alejandro Tengco ang pag iimbestiga sa kaso. May arrest warrant na ang mag-asawang Castro mula sa Quezon City RTC Branch 77 dahil naman sa multi-million pesos investment scam. Bukod sa mga Castro, hinahanap din ang isang Masayaki Kimura, na kabilang sa incorporators ng Broiler Entrepreneurship Agriventures Inc., na may kinahaharap na kasong  syndicated estafa sa isang korte  sa lungsod ng Quezon City court. Bago ang raid, naitimbre kina Gonzales na ang mga Castro ang operator ng ilegal na online sabong sa bayan ng Laoac.

Read more...