Binigyan ng ayuda ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) ang naulilang pamilya ng tatlong mangingisda na nasawi nang banggain ang bangka sa Bajo de Masinloc.
Mismong si DA-BFAR National Director Atty. Demosthenes Escoto ang nag-abot ng tulong na P20,000 cash assistance at food package sa Calapandayan, Subic, Zambales.
Nakiramay din ang BFAR sa mga naulila.
“Buong pusong nakikiramay ang BFAR sa inyo,” sabi ni Escoto.
“Alam po naming walang kahit anong tulong ang makatutumbas sa buhay ng inyong mga mahal sa buhay, pero nandito po ang aming ahensya para mag-abot ng paunang tulong at makagaan kahit kaunti sa inyong nararamdaman,” pahayag ni Escoto.
Bibigyan din ng BFAR ng scholarship sa kolehiyo ang mga anak ng tatlong mangingisda.
Sakop nito ang tuition fee, monthly stipend, thesis allowance at iba pa.
Bibigyan din ng BFAR ng prayoridad na makapag-trabaho ang mga scholars.
Nakatanggap naman ng tig P2,000 ang 11 survivor at food packs.
Matatandaang sakay ng bangka ang 14 na manngingisda nang banggain ang sinasakyang bangka ng dayuhang tanker.
Bibigyan din ng BFAR ng bagong 62-footer fiberglass reinforced plastic (FRP) fishing boat ang Subic Commercial Operators Fishing Association Inc.