Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Philippine Coconut Authority (PCA) na magtanim ng 100 milyong puno ng niyog sa buong bansa.
Utos ni Pangulong Marcos, gawin ito mula 2023 hanggang 2028.
Ayon sa Pangulo, dapat magkaroon ng general plan para sa development at rehabilitation ang PCA sa industriya ng niyog.
Sabi ni Pangulong Marcos, dapat magsagawa ang PCA ng massive coconut planting at replanting program.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang utos sa PCA nang magsagawa ng pagpupulong kahapon sa Palasyo ng Malakanyang.
“There’s a big opportunity so let’s have a look at that so that we can put — we can show even just for ourselves. Kailangan natin mayroon tayong plano,” sabi ni Pangulong Marcos.
“Hindi puwedeng basta’t ito gagawa… Kailangan maliwanag ‘yung plano. Tiyakin natin na talagang ginamit natin sa tama,” pahayag ng Pangulo.
Mahalaga rin ayon sa Pangulo na makuha ang pulso ng mga nasa coconut industry.
“Why will we stop at 2028 because I’m finished? Huwag nating isipin ‘yun. What is the ideal? How many years do we need to take to rehabilitate the coconut industry?” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Don’t bother with political terms. Kung walang politika, walang change of administration, nakakasiguro kayo tuloy-tuloy, gaano kahaba para malagyan natin ng lahat ng mga bagong puno?” sabi ng Pangulo.
Target ng PCA na magtanim ng 20 hanggang 25 milyong puno niyog kada taon.
Nasa 3.60 milyong ektarya o 27 porsyento ng lupa sa bansa ang may tanim ng niyog.