Ipinaaaresto at ipinakukulong ng korte sa Navotas City ang anim na pulis na isinasangkot sa pagpatay sa isang 17-anyos na binatilyo noong Agosto.
Sinabi ni Presiding Judge Pedro Dabu Jr., ng RTC Branch 286, murder ang kasong kinahaharap ng anim at ito ay walang piyansa kayat kailangan na makulong ang anim.
Nagpalabas na ito ng warrant of arrest para kina Police Staff Sergeant Gerry Maliban, Police Staff Sergeant Antonio Bugayong Jr., Police Executive Master Sergeant Roberto Balais Jr., Police Staff Sergeant Nikko Pines Esquilon, Police Corporal Edward Jade Blanco at Patrolman Benedict Mangada
Ang anim ang itinuturong nakapatay kay Jemboy Baltazar at lumabas na napagkamalan lamang nila ang biktima na ang tinutugis nilang suspek sa pagpatay.
Una nang inalis sa serbisyo ang anim na pulis, bukod pa sa dalawang kasamahan, base sa mga kasong administratibo na isinampa laban sa kanila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.