Namangha ang ilang senador nang malaman ang mga alegasyon ng katiwalian laban sa dalawang mataas na opisyal ng Commission on Higher Education (ChEd).
Sa pagdinig sa budget ng ahensiya para sa susunod na taon, sinabi ni Sen. Pia Cayetano na ‘makalaglag sa upuan” ang mga akusasyon na may commissioner na nag-oobliga sa mga saklaw na state universities and colleges (SUCs) na buwan-buwan magpatawag ng board meeting.
Ang madalas na board meeting ay nangangahulugan ng maraming honoraria para sa mga director.
Nagtataka ang senadora dahil karaniwang quarterly lang ang meetings dahil minsan na siyang naging board of regents sa mga SUCs.
Bukod dito, ang mga pulong ay ginaganap sa mga magagarbong hotel, pinapasalo pa sa mga SUCs ang gastos, may mga mamahaling regalo din ibinibigay.
Nasita na ang ilang SUCs ng Commission on Audit (COA) dahil sa gawain na ito.
Ikinagulat din ito ni Senate Majority Leader Joel Villanueva at hinikayat niya ang SUCs na ibahagi ang mga katulad na alegasyon upang makagawa ng kinauukulang hakbang ang Senado.
Itinanggi naman ang mga ito nina Comms.Jo Mark Libre at Aldrin Darilag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.