Nanawagan si incoming Foreign Affairs Sec. Perfercto Yasay Jr. sa international community na magkaisa para mapanindigan ang pagpapatupad ng magiging desisyon ng UN arbitration court na tiyak na hindi papabor sa mga pag-angkin ng teritoryo ng China.
Sabi pa ni Yasay, umaasa siya na masuportahan tayo ng mga kalapit-bansa nating may mga navy na malakas ang pwersa tulad ng Japan, para sa pagpapatupad ng ruling ng UN.
Sa July 7 na inaasahang ilalabas ng Permanent Court of Arbitration ang kanilang deisyon hinggil sa reklamo ng Pilipinas sa pang-aagaw ng China ng halos lahat ng mga teritoryo sa South China Sea.
Ayon kay Yasay, mahalagang magsama-sama ang mga bansang may pakialam sa freedom of navigation sa pinagaagawang rehiyon.
Oras kasi aniyang magkaisa ang mga bansa, mas mapagtatanto ng China ang kahalagahan na resolbahin ang isyung ito sa mapayapang paraan at na mas maraming mawawala sa kanila kung sila ay magiging agresibo.
Kamakailan lamang ay sinabi ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na suportado ng mga bansang United States, France, Japan, Australia at ng European Union ang Pilipinas.