Marcos: Pilipinas hindi naghahanap ng gulo sa China nang ipatanggal ang boya sa Bajo de Masinloc

 

Hindi naghahanap ng gulo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang ipatanggal sa Philippine Coast Guard ang floating barrier o boya na inilagay ng China sa Bajo de Masinloc.

 

Sa panayam kay Pangulong Marcos sa Siargao, Surigao del Norte, sinabi nito na patuloy na didepensahan at poprotektahan ng pamahalaan ang teritoryo ng Pilipinas at karapatan ng mga Filipinong mangingingisda na makapangisda sa West Philippine Sea.

 

“Hindi tayo naghahanap ng gulo, basta gagawin natin, patuloy nating ipagtatanggol ang Pilipinas, ang maritime territory ng Pilipinas, ang mga, ang karapatan ng mga fishermen natin na mangisda doon sa mga areas kung saan sila nangigisda daang-daang taon na,” pahayag ni Pangulong Marcos.

 

“Kaya’t hindi ko maintindihan bakit nagbago ng ganito. Basta’t kagaya ng sabi ko, umiiwas nga tayo sa gulo, uniiwas tayo sa mga maiinit na salita ngunit matibay ang ating pagdepensa sa teritoryo ng Pilipinas,” dagdag ni Pangulong Marcos.

 

Katunayan, sinabi ng Pangulo, nang alisin ang mga boya, nasa 164 tonelada ng isda ang nahuli sa loob lamang ng isang araw.

 

“Iyon ang nawawala sa ating mga fishermen. Kaya hindi naman maaari na lalagyan ng barrier na ganoon at maliwanag naman na nasa loob ng Pilipinas ‘yan,” pahayag ni Pangulong Marcos. 

 

 

Read more...