China, ‘wag namang insultuhing masyado tayong mga Pilipino—‘WAG KANG PIKON! ni JAKE J. MADERAZO

 

Panay ang deklara ng China na “bilateral talks” o pag-usapan  lang daw ng Pilipinas at ng kanilang bansa ang pagtatalo sa South China Sea. Ibig sabihin , hindi dapat makialam ang Amerika, ang European Union o kahit ang magkakapitbahay na bansa sa ASEAN sa  mga pagtatalo ng kung sino ba talaga ang may-ari ng exclusive economic zone sa karagatang iyan.

Pero habang pinag-uusapan, sinakop naman nila  at ginawang artificial islands na  military installations ang Calderon Reef (Cuarteron) , Kagitingan Reef (Fiery Cross) , Burgos, Reef (Gaven)  McKennan Reef (Hughes) , Panganiban reef (Mischief)  at Zamora reef  (Subi). Nagtatayo  rin sila ng panibagong isla sa Sabina Shoal na malapit sa Palawan.

Nitong huli, nilagyan nila ng 300 metrong  “floating long ball buoy barrier” upang harangan ang ating mga mangngisda na makapasok sa Scarborough Shoal na 240 kilometro lang ang layo sa isla ng Palawan, pero 900 kilometro naman sa  Hainan Island ng China.  Ayon kay Defense Secretary Gilbert Teodoro, ang ginawang ito  ng China ay maliwanag na “invasion” o “pananakop”  sa loob ng Philippine exclusive economic zone na sinasabayan pa ng harassment ng China Coast Guard sa ating Philippine Coast Guard at Navy vessels.

Pero, nag-utos agad si Presidente Marcos ng  “special operation” upang putulin ang naturang “barrier”. Isang matinding desisyon ng Presidente na derektang sampal sa China  lalo’t itinaguyod  lamang niya ang  “international law”  nang alisin  ang  “navigational  hazard “ na pumipigil sa mga Pilipinong makapangisda  sa naturang karagatan.  Agad namang nagbabala ang China  sa Pilipinas “not to provoke or stir up trouble”  na  ibig sabihin ay huwag manghamon o manggulo dahil ito raw ay soberenya  at “maritime rights” ng kanilang “Huangyan Island”.

Mula pa noong 2020, mahigit 400 diplomatic protests na ang inihain natin sa China, pero sa ilalim ng Marcos administration, umaabot na ito sa 97 pero karamihan ay wala namang sagot o kaukulang aksyong  nakikita. Sabi nga isang senador, sawang sawa at pagod na pagod na tayo sa palagian nang note verbale o protesta.   Kung minsan, sa ating pagkainis,  nakakaaliw ding makita na merong matatapang na Pilipinong mangingisda katulad ni Mang Arnel na nagpahabol at niloko ang mga Chinese Coast guard.

Sa totoo lang, panahon na sigurong magpakita na rin tayo ng pangil sa mga mananakop na iyan.  Anim na taon tayong binola at tinakot sa panahon ni Digong pero, hindi naman pala sila magbabago.  Ayoko talaga sa mga Amerikano, pero mukhang tama ang desisyon ni President Bongbong na mag-pivot tayo muli sa kanila , dahil niloloko lang tayo ng China. Lantaran at hindi maitatago ang kanilang “expansionist”  o mapanakop na uri. Dati, nine-dash line ang  ibinabandera, ngayon 10-dash line na at pati India at Russia ay tinapyasan pa ng lupain.  Pinagbabantaan ding sakupin ang Kalayaan Island at ang Ayungin Shoal kung saan naroon ang Philippine Marines sa lumang barko.

Sa kabuuan, talagang nakakainis na ang pang-iinsulto nitong China sa ating bansa, gobyerno at mamamayan. Marami naman tayong magagawa para makaganti. Noong 2014, inilunsad ng mga Filipino Americans sa America ang “Boycott  made in China products” na sinuportahan noon ni dating Albay Gov. Joey Salceda. Marami nang umayaw sa mga Chinese products tulad ng Vietnam, Australia, India , UK, Italy, at Tibet.

Marami na rin akong kakilala na hindi na umoorder ng mga Chinese mainland products sa mga online channels, maging Shoppee, Lazada,  Zalora. Bumibili lang sila kung ang mga “Chinese made items” ay locally available, o ibig sabihin, nakikinabang ang ating mga kababayang  negosyante. Pero, kapag ang online shopping ay Alibaba o kaya’y Shein na alam ng lahat na taga- Chinese mainland, ang iba ay umiiwas na.

Kung susuriin, umiiral ngayon ang matinding krisis sa ekonomya ng China. Sa mga balita, mistulang ghost towns ang dating malalaking lungsod nila doon.  Of course, idinaraos doon ang 2023 Asian Games sa Huangzhou  at maraming dumalong dayuhan ngayon,  pero, over-all  mula sa dating 97 milyong  foreigners na pumupunta sa China, ito’y bumaba sa 4.5 milyon na lang mula noong pandemic. At maraming mga pabrika ang nagsasara doon ngayon. Merong nagsasabi na karamihan ng foreign capital o Western multinationals  doon ay umalis na at lumipat sa Vietnam, o kaya’y sa iba pang Asean countries.

Sa panahong  ito, dapat lamang na maging mabait na ang China sa kanilang mga kapitbahay na bansa, lalo na ASEAN at ang Pilipinas. Sila nga ang nagsasabi na  magkakasama tayong yayaman ang lahat ng bansa sa rehiyong ito kung magtutulungan lamang. Pero, puro kabangisan at pang-aabuso sa maliliit na bansa tulad ng Pilipinas ang kanilang ipinapakita.

Sa ngayon,  79 percent ng mga Pilipino  ang itinuturing ang China bilang ngayo’y pinakamalaking banta sa atin. Ito’y ayon sa 1,500 respondents mula sa lampas 200,000 na mga Pinoy sa market research ng Publicus survey. Ibig sabihin, napakarami nang mga Pilipino ang hindi na nagugustuhan ang ginagawa sa atin ng mainland China. Tandaan sana nila na huwag nilang ubusin ang pasensya ng Pilipin at tiyak mapapalaban sila.

 

Read more...