Ibinunton ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manger Jose Angel Honrado ang sisi sa media kung bakit lumala ang mga hindi magandang insidente sa kaniyang ahensya.
Mula aniya sa mga tumutulong bubong, sink holes, nagbabagsakang mga kisame, kawalan ng kuryente hanggang sa tanim-bala, pinapatulan ng media para lang makakuha ng malaking istorya.
Sinabi ito ni Honrado sa kaniyang talumpati sa huli niyang flag-raising ceremony bilang pinuno ng MIAA na inakala niyang magiging madali lamang.
Ayon kay Honrado, nanlumo siya at ang mga tauhan sa NAIA nang matawag itong worst airport in the world sa isang travel website, na naging simula aniya ng kaliwa’t kanang batikos mula sa media.
Giit niya, pati ang mga simple at maliliit na bagay ay pinalalaki ng media para lang magkaroon ng balita.
Labis din aniya silang naapektuhan sa isyu ng tanim-bala nang sila ang masisi sa kabiguang maresolbahan ang problema kahit pa wala naman silang direktang kinalaman sa airport security screening process.
Gayunpaman, ipinagmamalaki niyang sabihin na nakayanan nilang lampasan ang lahat ng mga pagsubok na ito at nagpasalamat siya sa mga empleyado para sa kanilang pasensya at pakikipagtulungan.
Dagdag pa niya, para sa kaniya ay nagawa naman niya ang kaniyang trabaho base sa kaniyang mga kakayanan at konsensya.