One-strike policy sa OTS personnel inihirit ni Sen. Grace Poe
By Jan Escosio September 29, 2023 - 08:59 AM
Hinikayat ni Senator Grace Poe ang Office for the Transportation Security (OTS) na magpatupad ng “one-strike policy” sa kanilang mga tauhan kapag nasangkot sa mga kalokohan sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Aniya maaring sa ganitong paraan ay mahihiwalay na ang mga bugok sa mga matitinong tauhan ng ahensiya.
“Ang kailangan natin sa ating mga airport ay mga bantay sa ating seguridad, hindi bantay salakay,” diin ni Poe.
Sinabi ng namumuno sa Senate Committee on Public Services na kailangan ng kamay na bakal laban sa mga tiwaling tauhan ng OTS para maiparamdam sa iba na seryoso ang layon na malinis ang ahensiya.
Dapat din aniya agad na magsagawa ng mga imbestigasyon at mangalap ng mga konkretong ebidensiya.
Sinabi pa ni Poe na ang pagsubo ng $300 ng isang OTS personnel na kinupit mula sa isang turista ay patunay na lahat ay gagawin mapagtakpan lamang ang tiwaling gawain.
Dagdag pa nito dapat din dagdag ang mga benepisyo at kompensasyon ng mga kawani ng OTS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.