Senyor Aguila sinabing hindi ginusto ang posisyon sa kulto

Higit walong oras ang isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order at Senate Committee on Women and Children at sa huling minuto na lamang nagpaliwanag ng husto si Jay Rence Quilario alias Senyor Agila, ang pinuno ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) sa Surigao del Norte. Bago suspindihin ang pagdinig, hiningian ni Sen. Ronald dela Rosa ng huling pagkakataon si Quilario para depensahan ang sarili sa ibat-ibang seryosong alegasyon. Ngunit ang tanging sinabi ni Quilario ay hindi niya hiningi o ginusto na hawakan ang posisyon sa umano’y kulto. Hindi rin niya direktang nasagot ang tanong ni dela Rosa kung bakit siya ang napili gayung siya ay 17-anyos lamang nang maitalaga siya sa posisyon at ngayon ay 23-anyos lamang. Inakusahan si Quilario ng ibat-ibang uri ng child abuse, kabilang na ang sapilitang pagpapakasal sa mga bata at ang pagpayag na magahasa ang mga ito at  pagkakaroon ng private army at iba pa. Ipina-contempt ni Sen. Risa Hontiveros si Quilario gayundin si dating Mayor Mamerto Galanida, Janeth Ajoc at Karren Sanico dahil sa kanilang pagsisinungaling at kabiguan na magbigay ng tuwirang sagot. Sila ay nakakulong ngayon sa Senado at hindi pa nakakatiyak kung sila ay makakalabas para sa susunod na pagdinig, na inanunsiyo ni dela Rosa na nais niyang isagawa sa Sitio Kapihan, ang komunidad ng SBSI sa bulubunduking bahagi ng Socorro.

Read more...