Inakusahan ng swindling na Marcos sinabing may “death threats”

Binuweltahan ng negosyanteng si Mario Pacursa Marcos ang lahat ng mga nagreklamo sa kanya ng “swindling” sa Department of Justice (DOJ).

Bagamat hindi personal na humarap si Marcos sa ipinatawag niyang punong-balitaan, isiniwalat niya ang aniya ay ang buong katotohanan at ang una niyang itinanggi ay ang paggamit niya sa pangalan ni Pangulong Marcos Jr., para manghikayat ng mga mamumuhunan sa kanyang plano na may kinalaman sa makabagong teknolohiya.

Aniya ang mga nagreklamo sa kanya ang talagang may motibo na dungisan ang pangalan ng Punong Ehekutibo.

Ayon pa kay Marcos, ilang buwan na ang nakakalipas nang maghain siya ng pormal na reklamo sa Makati City Prosecutors Office laban kay PR consultant Jennylei Caberte at sa negosyanteng si Phebie Dy.

Pagdidiin pa nito may hawak silang mga dokumento at may mga testigo din sila na susuporta sa kanya. Aniya magiging bahagi ang mga ito ng kanyang isusumiteng sagot sa reklamo sa kanya sa DOJ.

Idinagdag pa ni Marcos na mali ang pahayag na namamahagi siya ng “gold medallions” bilang kabayaran at aniya ang mga ito ay mga medalya na kanyang kontribusyon sa mga torneo o ibinibigay lamang niya bilang “souvenir” sa mga kakilala.

Nabanggit din nito na may mga pagbabanta sa kanyang buhay kayat hindi pa siya makaharap bagamat pinabulaanan din niya ang alegasyon na nagtatago siya at hindi na nakikipag-usap.

Tiniyak niya na personal niyang isusumite ang kanyang mga sagot sa reklamo sa kanya na “swindling” sa DOJ at tiwala siya na sa kanya papanig ang katotohanan.

Read more...