Apat na batas ang inihabol ni Pangulong Noynoy Aquino ilang araw bago siya bumaba sa posisyon.
Ayon sa ulat ng Presidential Legislative Liason Office o PLLO, pinirmahan ng pangulo noong June 23 ang Republic Act 10865 o ang Mayor Hilarion A. Ramiro Sr. Medical Center Act pati ang R.A 10866 o Batanes Responsible Tourism Act.
Nilagdaan din ng Pangulo ang R.A 10867 o ang National Bureau of Investigation Reorganization and Modernization Act at ang R.A 10868 o ang Centenarian Act of 2016.
Nakapaloob sa Centenarian Act ang pagbibigay ng insentibo sa mga Pinoy na mag edad 100 taon pataas na P100,000 cash maliban pa sa ilang mga dagdag na prebelehiyo.
Pero ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, hindi kasama sa pinirma ang 75 percent VAT exemption na isa sa probisyon na naging dahilan para ito ay i-veto ng pangulo sa 15th congress version nito.
Ang NBI Act ay bunga naman ng inter-gency consensus building at isa sa itinulak sa huling State Of the Nation Address o SONA ng pangulo.