Mga smuggler at hoarder ng bigas, bukbok ayon kay Pangulong Marcos

 

Dumaan sa tamang proseso ang ipinamahaging smuggled na bigas sa San Andres Sports Complex sa Malate, Manila.

Ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ito ay para matiyak na ligtas ang ipinamahaging bigas.

Sabi ni Pangulong Marcos, mas makabubuting ipamigay ang mga nakumpiskang smuggled na bigas kaysa masayang.

Nasa 1,000 sako ng bigas ang ipinamahagi ni Pangulong Marcos sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

“Dumaan po ito sa tamang proseso ng imbestigasyon, pagkumpiska, at inspeksyon upang matiyak na ito ay ligtas na ipamahagi sa nangangailangan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Magsisilbi rin aniya itong babala sa mga smuggler sa bansa.

Ayon sa Pangulo, bukbok ang mga smuggler at hoarder ng bigas sa bansa na sumisira at nagmamanimupa sa presyo.

Hindi aniya uubra sa “Bagong Pilipinas” ang modus ng mga tiwaling negosyante.

“Sa Bagong Pilipinas, bawal ang smuggler, bawal ang hoarder, at bawal din ang mga mapang-abuso [at] mapagsamantala sa ating bayan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Asahan po ninyo na hindi kami titigil sa patuloy na pagbuwag sa mga smuggler at hoarder na nagpapahirap sa taong-bayan,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Pero pag-amin ni Pangulong Marcos, mahirap ang labang ito dahil matagal na silang namamayagpag sa kalakaran.

Gayunman, desidido aniya ang buong puwersa ng pamahalaan na matigil ang ilegal na operasyon.

 

 

Read more...