Magna Carta of Filipino Seafarers, ginawang urgent bill ni Pangulong Marcos
Sinertipikahan na bilang using urgent bill ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang batas na naglalayong lumikha ng Magna Carta para sa mga Filipinong seaman.
Sa isang pahinang liham kay Senate President Juan Miguel Zubiri, pinamamadali ni Pangulong Marcos sa Kongreso ang pagpasa sa Magna Carta of Filipino Seafarers.
Ginawang urgent bill ni Pangulong Marcos ang panukalang batas kasunod na rin ng banta ng European Union na ipagbabawal ang pagkuha ng mga marinong Filipino hangga’t hindi sumusunod ang Pilipinas sa kanilang pamantayan.
“Pursuant to the provisions of the Article VI, Section 26 (2) of the 1987 Constitution, I hereby certify to the necessity of the immediate enactment of Senate Bill No. 2221,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, ginagarantiya naman ng panukalang batas na tutugunan ang sinasabing kahinaan sa pagsasanay at edukasyon ng mga Filipinong marino.
Matatandaang hinimok ng EU ang gobyerno ng Pilipinas na tumalima sa Standards of Training, Certification, and Watchkeeping for Seafarers Convention (STCW) kung saan nagbabala pa itong hindi kikilalanin ang sertipikasyon na ibinibigay sa mga seafarers kung hindi aaksyunan ang usapin.
Taong 2021 nang iulat na ang Pilipinas ang top source ng seafarers sa buong mundo base na rin sa United Nations Conference on Trade and Development.
Ayon sa Maritime Industry Authority (MARINA), nasa mahigit 400,000 Filipino seafarers overseas ang idineploy ng Pilipinas mula noong 2016 hanggang 2021.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.