Scammer na “pinsan” ni PBBM Jr., inasunto ng swindling sa DOJ
Nakatangay ng milyong-milyong piso sa tatlong indibiduwal, kabilang ang isang retiradong Philippine Army general, ang isang nagpakilalang pinsan ni Pangulong Marcos Jr.
Inireklamo sa Department of Justice (DOJ) ng swindling si Mario Pacursa Marcos, na nagpapakilalang chief executive officer (CEO) ng Smart City Teknologi na aniya ay partner ng TESLA Technologies.
Inihain ang reklamo nina Jennylei Cabarte, chief executive officer ng Media Blitz PR Consultancy; Phebe Dy, may-ari ng Triple A Construction Company at retired Brig. Gen. Arnulfo Jose Marcos.
Napaniwala ng suspek ang tatlo na pinsan siya ni Pangulong Marcos Jr., kayat nahikayat niya ang mga ito na mamuhunan sa sinasabi niyang kanyang mga proyekto.
Si Caberte ang kinuha ni Marcos para sa public relations at press conferences ng huli at gumasta ang una ng P13 milyon.
“All the checks that he gave to me bounced. I even communicated to him several times, but he keeps on making false promises,” sambit ni Caberte.
Samantala, P12 milyon naman ang natangay kay Dy kapalit ng malalaking proyekto ng kasalukuyang administrasyon.
“I gave him P12 million in two tranches, and the last happened at the BGC, The Fort. But when I decided to get my money, he only gave me an unnotarized Certificate of Title with a deed of absolute sale. But it turned out that Marcos has no valid ownership in the said title,” ani Dy sa kanyang sinumpaang salaysay.
Samantala, ang kanyang pensyon naman na nagkakahalaga ng P800,o00 ang inilagak ng retiradong heneral.
“The partnership will create an internet-based platform for its smart city program that will provide connectivity for various applications, including households, smart homes, and smart cities,” ayon naman kay Marcos.
Nagdesisyon ang tatlo na pormal nang magreklamo sa DOJ dahil pawang “talbog” ang ibinigay na tseke ng suspek, bukod pa sa napatunayang peke ang “bato” na kanya din ipinambayad. Isang taon na rin na wala silang komunikasyon kay Marcos.
Ayon pa sa kampo ng tatlong biktima, umaasa sila na ang kanilang pagrereklamo ay maging babala na sa mga maaring maloko pa ni Marcos at para na rin lumantad ang mga iba pa niya na nabiktima.
Umaasa din sila na hindi makakalabas ng Pilipinas si Marcos upang magtago sa pamamagitan ng hold departure order (HDO) mula sa Bureau of Immigration.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.